Tuesday, April 28, 2009

Sagot ng Masbate PPO sa Taliwas na Pahayag ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan, Masbate

Sagot ng PNP Masbate sa Taliwas na Pahayag ng JRC-BHB

Nais pong linawin ng Police Community Relations (PCR) ng Himpilan ng Pulisya ng Masbate Provincial Police Office ang mga ilang punto na taliwas na inihayag ng JRC-BHB sa inyong kagalangalang na pahayagan, Rodeo Tabloid na isyung March 27-April 2, 2009 bilang 08, tungkol sa ginawang aksyon ng NPA-Masbate, sa mga sumusunod:

1. Ang pag reyd ng NPA-Masbate sa bahay ni Ex-Barangay Chairman Fernando Aninang ng Barangay Panguiranan sa bayan ng Balud noong Marso 11, 2009 sa pagbintang na “nagbibigay ito ng buwanang (o monthly) sa Camp Boni Serrano at PNP Balud bilang protection money” sa illegal na pangingisda ay isang haka-haka at kasinungalingan pagbibintang. Walang tinatanggap ang sinumang pulis Masbate sa kanilang paratang na protection money at bawal sa aming hanay ang isang kotong cop. Dalawa ang aming hamon sa NPA-Masbate: 1. Ilantad sa publiko kung sino man ang tumatanggap ng protection money at nang maimbistigahan at mabigyan ng kaukulang disiplina o parusang pagkatangal bilang pulis; 2. Sa bintang na illegal na pangingisda ni Ex-Barangay Chairman Aninang, kung tunay na makamasa ang NPA, bakit hindi siya hinuli at isinuko sa kasalukuyang pamunuan ng Barangay Panguiranan o Bantay Dagat ng Balud upang makasuhan sa paglabag sa umiiral na Anti-Illegal Fishing Law? At di gaya ng pagransak sa kabahayan ng mga tauhang mangingisda ni Aninang na nagdulot ng matinding pagkabahala dahil takot at pangamba sa mga anak, kapatid, at magulang nito; at

2. Ang nangyaring meeting engagement sa panig ng 506th PPMG at NPA noong Marso 12, 2009 sa Barangay Pinamangcaan, bayan ng Balud na resulta ng pagpasabog ng mga teroristang komunista sa isang pampublikong sasakyan patungong Lungsod ng Masbate, na ang karamihan ay mga sibilyan ang lulan at ilan laman sa mga pulis bilang pasahero, na ginamitan ng improvised explosive devise (IED) na nakatanim sa kalsada. Nagdulot ito ng pagkasira ng nasabing sasakyan at pagkasugat ng dalawang sibilyan. Sa panig ng mga pulis, magiting at buong tapang na nakipagsagupaan ang mga kasapi ng 506th PPMG laban sa mga NPA.

Taliwas sa pahayag ng JRC-BHB na “walo (8) and patay sa mga taga 506th PPMG at sugatan. Sadyang itinatago and mga patay ng PPMG ng Provincial Command.” Ang katotohanan, walang namatay na kasapi ng 506th PPMG sa pinamunuan ni PCI RONALDO FULO, at tatlo (3) lamang ang nabilang na wounded-in-action (WIA) na daliang nadala ng helicopter na unang nagbigay ng aerial combat support at nabigyan ng kaukulang lunas sa ospital.

Karugtong ng nauna ng nasabing pangyayari ay ang daliang pagresponde ng Balud Municipal Police Station (MPS) upang magbigay suporta ng mabalitaang nakikipaglaban ang 506th PPMG laban sa mga komunistang manliligalig. Napalaban ang tropa ni PSI EDUARDO REGALARIO, Hepe ng nasabing MPS, malapit sa lugar ng sagupaan at sinungaling na hinayag ng “pagkamatay ng isang PNP-Balud at pagkasugat ng iba pa” na sa katotohanan ay wala namang nasawi at isa lamang ang na-WIA sa grupo na nadala agad sa pagamutan habang ang ilan sa kanila ay galos lamang ang tinamo.

Sa Philippine National Police, kailanman hindi pwedeng itago ang pagkamatay ng isang alagad ng batas na nagseserbisyo sa bayan. Maghahanap at maglalahad ng katotohan mismo ang pamilya ng pulis, maliban sa taong bayan, at ipagluluksa ang kanyang pagkasawi ng dahil sa kagitingang ipinamalas upang itaguyod lamang ang sinumpaang tungkulin, kung sakali man.

Kung sa komunistang kilusan o NPA, madalas mangyari itong pagtatago ng kanilang patay, na karamihan kung saang kagubatan inililibing, na wala ng disenteng burol maski kaunting panahon man lang. Ano ba yan, nakakatawang tanggaping ang bintang na kanilang normal gawain! Pawang mga sinungaling ang NPA!

Sa panghuling pahayag, mula sa ulat ng mga operatiba at mga nakasaksi na taong bayan ng meeting engagement na kung saan muling ipinamalas ng kapulisan ng Masbate ang kanilang kagitingan at katapangan na nagresulta ng casualty na dalawang (2) NPA na sugatang hila-hila nila, na malamang mga patay na, sa kanilang pagatras nang magdatingan ang mga hukbong mula sa Philippine Army at aerial combat support ng Philippine Air Force. Kadalasan at sigurado natin, kung saan-saang kagubatan na lang inihukay ang pobreng nasawing mga NPA at kasabay na malilibing sa limot tulad ng mga nauna nilang namatay na kasapi ng komunistang kilusan.

Kaya mula sa nagmamalasakit na Mamang at Aleng Pulis, hinihikayat naming kayong mga kasapi ng Jose Rapsing Command, NPA-Masbate na sumuko na sa aming himpilan at payapang mamuhay ng normal at hindi bilang isang komunistang rebelde at taguriang international terrorist gaya ni Jose Maria Sison.


Police Community Relations
Masbate Police Provincial Office
Camp Bonny Serrano, Masbate City

No comments:

Post a Comment